Init

Tuesday, January 19, 2016

Ang Palengke

                                          Chapter IV

                                       Ang Palengke

                   

    Ilang sandali pa ay narating na nila ang bukana ng baryo nina Marcia. May mangilan-ngilang matandang nakabelo ang kanilang nakasalubong, patungo sila sa isang maliit na kapilya upang magnovena dahil malapit na ang angelus. Sa tabi nito ang mababang paaralan ng baryo,  may apat na kuwarto na pinaghahatian sa oras ng mga unang baytang hanggang anim na baytang. Tumigil sila sandali sa gitna ng kalsada at pinadaan ang isang lalaking sakay ng kalabaw. Galing ito ng silangan kung saan naroon ang ilog sa paanan ng mataas na bundok. Patungo siya sa kanluran at binaybay ang makitid na daan kung saan naman naroon ang bukid at palaisdaan. Sa bungad ng palengke, tabi ng kalsada nakatayo ang bahay ni Teddy, kuya ni Marcia. Ang apat na sulok ng palengke ay tagusan, pasukan at labasan ng mamimili at mga mangangalakal. Sa palibot ay hilera ng maliliit na kubo ng mga manininda. Sa harap naman ng palengke nakapuwesto ang bahay-tindahan ni Philip, sumunod kay Marcia. May barber shop din sa kabilang gilid ng palengke ang tatay ni Marcia, si Mang Pepe. Ang namamahala naman nito ay si Thomas , sumunod kay Philip. Sa dulo ng palengke nakalatag ang mahabang lamesa ni Aling Linda at ni Teddy. Sari-sari ang kanilang mga paninda; tinapay, kending binalot sa dahon ng saging, mga gulay at prutas, at mga tuyong isda. to be cont.


Sunday, January 10, 2016

Ang Tulay

                                                        


                                           Chapter III

                                           Ang Tulay


      Bumaba sila bisikleta at nilakad ang kalsada na paahon sa tulay. Pagdating sa gitna  ay nagpahinga sila sa gutter at nagpunas ng pawis. Tumayo si Marcia, tumanaw sa tahimik na paligid  at sa ilalim ng tulay. Malinaw at malinis ang batis, mayabong at madawag ang mga puno sa magkabilang pampang.  Napawi ang pagod nila nang umihip ang malamig na hangin na siya ring nagpapasayaw sa mga punong kawayan sa paanan ng tulay. Maya-maya pa ay tumayo si Alfredo at kinuha ang bisikleta na nakasandal sa gilid ng tulay. "Sa bahay ka na lang matulog Andong, bukas ka na lang umuwi, siguradong gagabihin ka sa daan pagbalik."mungkahi ni Marcia na nakasandal sa railings ng tulay. "Sa ibang araw na lang siguro nakakahiya sa mga magulang mo't mga kapatid."sagot ni Alfredo. "Sus, nahiya ka pa, kilala ka na naman nila ah. Isa pa mabait ka naman. Do'n ka matulog sa tabi ni Jonas, 'yong bunso namin" sagot ni Marcia na umangkas sa likuran ng bisikleta. "Dalian mo pagpedal, baka abutan tayo ng angelus sa daan. Isa pa kailangan ko ring tulungan si nanay sa pagliligpit ng mga paninda sa palengke"

Saturday, January 9, 2016

Ang Camposanto




                         Chapter II
                           Ang Camposanto


      Pinagpapawisan na si Alfredo sa pagsikad ng bisikleta. Patuloy nilang tinatahak ang kahabaan ng kalsada. Pinutol ni Alfredo ang katahimikan sa pagitan nila ni Marcia. "Ano pala ang nangyari sa tatlong bus na pag-aari ng tatay mo?" May lungkot sa mukha na sumagot si Marcia. "Nainis si tatay, ibinenta na lang. Puro disgrasya kasi ang inabot. Nitong huli nga nahulog sa bangin ang isang bus namin at may mga namatay." "Gano'n ba." sagot ni Alfredo. "Oo, malas si tatay sa mga driver na nakuha niya. Ang laki ng ginastos niya sa aksidente. kaya nagtayo na lang siya ng tindahan sa palengke." 
      Ilang sandali pa ay tanaw na nila ang lumang sementeryo sa dulo ng plantasyon ng tubo "Paano 'yan kung hindi ako sumundo, sinong kakaon sa 'yo?" tanong ni Alfredo. "Sino pa, di si kuya Teddy, ang panganay namin. May sarili kasi siyang motorsiklo. Alam mo naman na madalang na dumaan ang mga sasakyan pag ganitong hapon na." Pareho silang napalingon pagdaan sa tapat ng sementeryo. Mabibilang lang ang mga nitso na maayos at pag-aari  ng mga maykaya sa kanilang baryo. Mga krus na kahoy na may pangalan ng namatay ang makikita.  Nakabaon sa ibabaw ng kumpol na lupa, ito ang libingan ng mga mahihirap. Nagkalat ang mga bungo at kalansay sa paligid.

Monday, January 4, 2016

Ang Lumang Bahay Kastila

       Ang nilalaman ng mga kuwento ay halaw sa tunay na mga pangyayari at karanasan ng may akda.   Ang mga pangalan at lugar ay sadyang binago upang mapangalagaan ang karapatan ng ibang tao. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay hindi sinasadya.

                                             *********

Mt. 8.28-32

       When Jesus came to the territory of Gadara on the other side of the lake, he was met by two men who came out of the burial caves there. These men had demons in them and were so fierce that no one dared travel on that road. At once they screamed, " What do you want with us you son of God? Have you come to punish us before the right time?"
        Not far away there was a large herd of pigs feeding. So the demons begged Jesus "If you are going to drive us out, send us into that herd of pigs."
        "Go", Jesus told them; so they left and went off into that pigs.
The whole herd rushed down the side of the cliff into the lake and was drown                                                                                                                                         *********

In Nomine Patris, et Filii, + et Spiritus Sancti.... Amen.
(Sa ngalan ng Ama, at ng Anak,+at ng Espiritu Santo... Amen)

Domine, Orapronobis.
(Panginoon, Ipanalangin mo kami.)

                                             *********
   

   
                                Chapter I
                       Ang Lumang Bahay Kastila

1960, Baryo Tabuk

      Alas 3:00 ng hapon nakaabang na sa gate ng St. Vincent Academy si Alfredo. Araw-araw niyang sinusundo  si Marcia at hinahatid sa kabilang Baryo ng Subang Daku. Guwapo, maputi at matikas si Alfredo sa edad na dalawampu. Si Marcia ay morena, simple at matalino sa klase, kaya scholar siya at valedictorian ng graduating class ng paaralan.
         “Hoy Andong, kanina ka pa ba diyan?” tawag ni Marcia na palabas ng gate. “Kani-kanina lang.” sagot ni Alfredo na nag-aya nang lumakad. “ Tara na.” Binabagtas nila sakay ng bisikleta ang mahaba, baku-bako at maalikabok na kalsada. Mula sa baryo ni Alfredo ay tatlong kilometro ang layo ng paaralan at tatlong kilometro rin ang layo pauwi sa baryo nina Marcia. Habang nasa daan ay pinag-uusapan nila ang mga nangyari sa maghapon. “Kumusta na pala ang trabaho mo sa Maynila?” tanong ni Marcia. “ Maghahanap ako ng ibang mapapasukan; mababa ang sahod, di magkasya ang kita sa pagkain ko pa lang." sagot ni Alfredo. “Gano’n talaga, natapos mo ba ang high-school mo? Usisa ni Marcia. “Next year sa Negros na ako mag-aaral, nakapasa kasi ako sa exam sa UP.” Hindi na kumibo si Alfredo at nagpatuloy sa pagsikad ng bisikleta. Nadaanan nila ang mahabang taniman ng tubo sa gawing kanan. Sa gawing kaliwa ng kalsada ay mayabong na mga puno at niyogan. Nadadaanan din nila ang paisa-isang maliit na kubo na nakatayo di kalayuan mula sa kalsada. Ilang sandali pa ay natanaw na nila ang isang lumang bahay kastila. Walang makapagsabi kung kailan pa ito naitayo. Nakatindig ito sa isang malapad na lote na nababakuran ng grill na kinakalawang na sa tagal ng panahon. Ang bubong at ilang bahagi ng kisame  ay bulok na at mga tuklap. Ang mga nakapinid bintana na gawa sa capiz ay wala na sa maayos na lagay. Sa paligid ng bahay ay mga punong tuyo at mga talahib. Sa tuwing mapapadaan sila sa harap ng bahay ay nakakaramdam sila ng pangangalisag ng balahibo.